-- Advertisements --

Tatalakayin ng municipal council ng Kalayaan ngayong araw, Pebrero 10 ang isang resolution na tumututol sa kontrobersiyal na pahayag ni Senator Rodante Marcoleta na nagpapahiwatig na isuko ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group (KIG).

Ayon kay Kalayaan Vice Mayor Maurice Philip Alexis Albayda, naka-schedule ang deliberasyon sa naturang resolution ngayong araw kasabay ng regular session ng Sangguniang Bayan.

Layunin ng resolution na pormal na hilingin sa Committee on Appointments (CA) na mabura ang statement ni Marcoleta mula sa official record o transcript ng kamakailang pagdinig ng komite.

Matatandaan, ginawa ng Senador ang kontrobersiyal na mga pahayag noong nakaraang linggo kabilang ang pagsuko sa KIG na nasa labas umano ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, na magpapadali umano para sa koordinasyon.

Subalit, umani rin ito ng pagbatikos mula sa mga lokal na opisyal ng Kalayaan at iginiit ang sovereign claims ng Pilipinas sa naturang isla.