-- Advertisements --

Isang lawmaker ang nagpahayag noong Sabado na P13 billion mula sa P60 billion na pondong ibinalik mula sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) noong 2024 ay ginamit umano bilang counterpart financing para sa mga Foreign-Assisted Projects (FAPs).

Sa unang araw ng deliberasyon ng bicameral conference committee, ibinahagi ni Bataan Rep. Albert Garcia ang breakdown kung saan napunta ang mga pondo.

Ayon kay Garcia, ang pinakamalaking bahagi ng pera (P27.45 billion) ay ginamit upang bayaran ang mga benepisyo at allowance para sa mga healthcare at non-healthcare workers noong panahon ng COVID-19 pandemic.

Ipinamahagi rin ang P10 billion para sa kontrobersyal na medical assistance program ng Department of Health (DOH) para sa mga indigent na pasyente.

Subalit, pinuna ni Sen. Imee Marcos ang P13 billion na itinakda para sa FAPs, at tinanong kung bakit ang pondong para sa kalusugan ay ginamit sa mga proyektong walang kinalaman sa kalusugan ng mga Pilipino.

Hiniling ni Marcos ang isang detalyadong report mula sa PhilHealth at ang pagpapabilis ng pagpapalawig ng mga benepisyo tulad ng zero-balance billing at coverage para sa malulubhang sakit.

Bilang tugon, sinabi ni Garcia na hihilingin nila sa PhilHealth na magbigay ng mas detalyadong breakdown at siguraduhing sumusunod ito sa desisyon ng Korte Suprema hinggil sa mga pondo.

Ang natitirang bahagi ng P60 billion ay inilaan para sa pagbili ng mga medical equipment at iba pang proyekto ng DOH.

Magugunitang pinawalang bisa ng Korte Suprema ang ilang probisyon ng 2024 budget law at isang circular mula sa Department of Finance (DOF) na ginamit upang ilipat ang P60 billion sa national treasury.