-- Advertisements --

Iginiit ni dating Department of Health (DOH) Officer in Charge Dr. Maria Rosario Singh Vergeire na hindi patas ang kasalukuyang proseso ng pagba-budget para sa mga ospital, dahil mas napapaburan umano nito ang malalaking medical centers kaysa sa maliliit na ospital sa mga malalayong lugar sa bansa.

Ginawa ng dating opisyal ang pahayag sa ginanap na ‘UHC in Numbers: A Forum On The Philippines’ Progress in Universal Health Care’ ng Philippine Institute For Development Studies sa Pasig City ngayong Huwebes, Nobyembre 20. Kung saan sinabi pa nito na matagal na niyang napapansin ang malalaking agwat sa pagpo-pondo, lalo na noong pinamunuan niya ang DOH operations sa Northern at Central Luzon.

Ayon kay Dr. Vergeire napakaliit umano ng pondo na natatanggap ng maliliit na ospital, dahilan para maubos agad ito at mapilitang humingi ng karagdagang pondo habang ang malalaking ospital aniya na kaya naman umanong tustusan ang kanilang operasyon ay patuloy pa ring nakatatanggap ng malaking alokasyon mula sa national government.

Kinuwestiyon din ng dating opisyal ang pamahalaan hinggil sa kawalan pa rin ng tertiary hospitals sa ilang rehiyon, sa kabila ng tinatayang P190 billion pondo para sa health facility investments sa nakalipas na 15-taon.

‘So, what happened to us? I’d been visiting Region 4B, Mimaropa, during my time I usually went back there because of a lot of issues then, oil spill and all, and you would see the helplessness of people. Just for them to have blood transfused for their patients, the blood has to travel from the province going to Batangas and then going back to them. So, just imagine, no life-saving measure there, you will wait for how many days before a blood can be transfused to a patient. That’s just an example,’ ani Vergeire.

Ani Vergeire, nakapagtataka naman daw kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring tertiary hospitals sa Region 4B (Mimaropa), CARAGA, at BARMM, kahit pa matagal nang may malaking pondong inilaan para sa pagpapatayo ng mga health centers.

Dahil dito, binigyang-diin ni Vergeire na mahalagang tanungin ang pamahalaan kung saan napunta ang malaking pondo sa nagdaang 15 taon, at kung bakit hindi pa rin nabibigyan ang mga nabanggit na rehiyon ng mga ospital na akma sa pangangailangan ng kanilang populasyon.