Tiniyak ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI) ang kahandaang tumugon sa posibleng pagtama ng ‘The Big One’ sa Mega Manila.
Ito ay kasabay ng pagpapalakas ng Department of Health (DOH) sa lahat ng public hospitals na maaring maghatid ng agarang medical services sa mga mamamayan kung sakaling mangyari ang pinangangambahang paggalaw ng West Valley Fault.
Ayon kay PHAPI President Dr. Jose Rene De Grano, handa ang mga pribadong ospital na mag-augment sa mga pampublikong pagamutan kung sakaling mangyari ang naturang pagyanig.
Tulad ng ginawa ng DOH na pagtatalaga ng mga ospital sa bawat quadrant sa capital region, nakapag-assign na rin aniya ang PHAPI ng mga pribadong ospital sa bawat quadrant na maaaring agad matakbuhan ng mga apektadong mamamayan.
Nakahanda rin ang mga ito na saluhin ang posibleng spillover mula sa public hospitals.
Kasabay nito ay mahigpit aniyang nagsasagawa ang bawat private hospital ng earthquake drills upang masigurong akma ang kanilang kakayahan na tumugon sa panahon ng pagyanig.
Regular din aniya ang ginagawa ng PHAPI na inspection at pagsusuri sa hospital buildings upang masiguro ang resilience o katatagan ng mga ito kapag may nangyayaring malalakas na lindol.
Kabilang dito ang pagsasagawa ng grupo ng inspection sa mga gusali sa Visayas at Mindanao na malapit o nasa sentro ng mga magakaksunod na pagyanig mula pa noong Setyembre-30.
Samantala, pinuna naman ni Dr. De Grano ang umano’y madalas na hindi pagsama sa mga pribadong ospital sa panahong nagpaplano ang pamahalaan para sa kahalintulad na kalamidad, ngunit kung may nangyayaring spillover, madalas ding nagiging takbuhan ang mga pribadong ospital.