Magsasagawa ang Department of Energy (DOE) ng One-Stop-Shop sa Palawan mula Agosto 11 hanggang 15, 2025 upang mapabilis at mapadali ang pagkuha ng License to Operate (LTO) at Certificate of Compliance (COC) para sa mga negosyateng kabilang sa industriya ng liquefied petroleum gas (LPG).
Layunin ng inisyatibong ito na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga malalayong lugar sa bansa, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., lalo na para sa mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs).
Bukod dito maaring mapibilis din ang proseso, at makuha sa parehong araw ang LTO at COC basta’t kumpleto ang dokumento ng aplikante.
Inaasahan din ng ahensya na mababawasan ang gastos at abala sa pag-aasikaso ng mga dokumento, habang pinapalakas ang pagsunod sa mga regulasyon sa ilalim ng LPG Industry Regulation Act (LIRA).
Ito na ang ikalawang One-Stop-Shop ng DOE sa Palawan, kasunod ng parehong aktibidad na isinagawa sa Puerto Princesa noong 2023. Plano rin ng DOE na palawakin ang programa sa iba pang isla at malalayong probinsya sa bansa.
Habang nagpaalala naman ng DOE na maghanda ng kumpletong dokumento upang mapabilis ang proseso.
Nagbabala rin ang ahensya sa mga hindi sumusunod sa regulasyon na maaaring humarap sa mabigat na parusa tulad ng suspensyon, pagsasara ng negosyo, o permanenteng diskwalipikasyon.