Pinalalakas ng Department of Energy (DOE) ang kampanya para sa ganap na paggamit ng solar energy sa lahat ng gusali ng pamahalaan sa buong bansa.
Nanawagan ang ahensya sa mga rehistradong solar PV installers na makiisa sa layunin ng bansa para sa malinis na enerhiya.
Sa unang General Assembly ng DOE-Registered Solar PV Installers, sinabi ni DOE Undersecretary Felix William Fuentebella na mahalaga ang papel ng pribadong sektor upang makamit ang target na 100% solar installation sa mga pampublikong gusali ng Pamahalaan.
Layunin ng programa na bawasan ang konsumo ng kuryente, pababain ang greenhouse gas emissions, at lumikha ng mga green jobs.
Binanggit din ni EUMB Director Patrick T. Aquino ang kahalagahan ng pagsunod sa Department Circular No. 2024-06-0021 na nag-uutos ng renewable energy integration sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.
Bukod dito, muling pinagtibay ng DOE ang adbokasiya nitong paabutin ang elektrisidad sa mga liblib at off-grid na lugar sa pamamagitan ng Solar Home Systems, na target mapa-ilawan ang 100,000 kabahayan ngayong taon, at 154,000 kabahayan sa susunod na taon.