-- Advertisements --

Muling itinaas ang yellow alert status sa Visayas grid nitong Miyerkules para sa mga oras na alas-3:00 hanggang alas-4:00 ng hapon at ala-5:00 ng hapon hanggang ala-7:00 ng gabi, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Ito ay bunsod ng mga sapilitang pagtigil ng operasyon at pagbawas ng kapasidad ng ilang planta ng kuryente na nagsusuplay sa grid.

Batay sa NGCP, nasa 2,538 megawatts (MW) ang available na kapasidad sa Visayas, habang tinatayang aabot sa 2,369 MW ang peak demand nito.

Sa kabila ng pag-alis ng yellow alert noong Martes ng alas-9:04 ng gabi, muli itong itinaas dahil sa patuloy na kakulangan ng suplay.

Aabot sa 725.2 MW ang kabuuang hindi magamit na kapasidad mula sa 11 planta na nasa forced outage mula Abril hanggang nitong Agosto.

Habang 6 na planta na hindi pa rin gumagana mula 2023, at 4 na plantang may bawas na output.

Samantala, nananatiling nasa normal na kondisyon ang Luzon at Mindanao grids.