-- Advertisements --

Natagpuan ang labi ng British meteorologist na si Dennis ”Tink” Bell, matapos ang higit anim na dekada ayon sa British Antarctic Survey (BAS) nitong Lunes.

Si Bell, 25 taong gulang, nang masawi noong Hulyo 26, 1959 matapos mahulog sa isang bitak ng yelo habang nagsasagawa ng glacier survey sa King George Island, Antarctica.

Natagpuan ang kanyang mga buto noong Enero 19 ng mga siyentipikong Polish mula sa Henryk Arctowski Station, matapos lumitaw ang mga ito dahil sa pagkatunaw ng yelo.

Nakilala si Bell sa pamamagitan ng DNA testing.

Kasama ng mga labi, natagpuan din ang mahigit 200 personal na gamit gaya ng wristwatch, radio equipment, at flashlight.
Ayon sa kapatid ni Bell na si David Bell, sila ng kanyang kapatid na babae ay “shocked at amazed” sa natuklasan.

Tinawag ng BAS director na si Jane Francis ang pagkakatuklas na isang “poignant and profound moment” na nagbibigay-hustisya sa mga sakripisyo ng mga unang siyentipiko sa Antarctic exploration.