-- Advertisements --

Nanindigan ang pamunuan ng Department of Public Works and Highways 11 (DPWH 11) na walang halong pulitika ang naging delay sa Maa Flyover Project sa lungsod ng Davao City.

Ginawa ng ahensya ang pahayag kasunod ng inilagay na tarpaulin dito kung saan nasusulat ang nasabing alegasyon.

Ayon kay DPWH 11 Spokesperson Dean Ortiz , nagkaroon ng problema sa road right of way sa paligid ng proyekto na naging dahilan ng pagka antala.

Punto pa ni Ortiz, naghahanap ng solusyon ang kanilang kagawaran sa problema, bagamat may mga bagay na labas sa kanilang kontrol.

Binanggit niya ang naisanlang apat na property sa bangko, na hindi saklaw ng kanilang kapangyarihan.

Dagdag pa niya, hindi rin maaaring agad isailalim sa expropriation ang mga ito dahil tumutugon naman ang mga may-ari sa kanilang komunikasyon.

Inihayag din ni Ortiz na ang flyover ay lampas 80 porsyento nang kumpleto at hinihintay na lamang ang road right of way sa paligid ng nasabing proyekto.