-- Advertisements --

Pumanaw na si dating Bureau of Corrections (BuCor) director general at National Bureau of Investigation (NBI) deputy director Rafael Ragos.

Kinumpirma ito ng kaniyang pamangkin na si Winston Ragos subalit hindi na nagbigay pa ng ibang detalye.

Magugunitang si Ragos ay isa sa mga witness laban kay dating Senator Leila de Lima na inakusahan na siyang pasimuno sa bentahan ng iligal na droga sa New Bilibid Prison noong justice secretary pa ang dating senadora.

Ang kaniyang testimonya ay siyang naging basehan para sa paghahain ng isa sa tatlong drug cases laban kay de Lima sa Muntinlupa Regional Trial Court.

Subalit noong Abril 2022 ay binawi ni Ragos ang kaniyang testimonya at napilitan lamang siyang magsinungaling dahil sa utos noon ni dating National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Vitaliano Aguirre II.

Dahil sa pagbawi ng testimonya ay na-acquit si de Lima noong Mayo 2023.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima sa mga kaanak ni Ragos kung saan pinuri niya ito dahil sa ibinunyag niya ang mga nasa likod ng paninira sa kaniya.