Bumuo na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng special team of inspectors upang magsagawa ng assessment sa mga flood control project sa bansa na hinahawakan ng 15 contractor.
Ang 15 contractors ay tinukoy ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha sa 1/5 ng P545 billion na halaga ng mga flood control contract na unang iginawad ng naturang opisina.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, ang listahan ng mga proyekto na sasailalim sa assessment ay pinili mula sa iba pang proyekto na nasimulan mula noong nagsimula ang administrasyon ni Pang. Marcos.
Paliwanag ng kalihim, lahat ng proyekto ay inilista ng DPWH, kung saan mula July 2022 hanggang May 2025 ay mayroong kabuuang 9,855 proyekto na nakumpleto. Kalakip din ng listahan ay ang analysis na ginawa sa mga ito, bago tuluyang ipinadala sa Office of the President.
Ayon kay Bonoan, bagaman may nauna nang assessment sa mga naturang proyekto, bumuo pa rin ang ahensiya ng ilang special teams mula sa (DPWH) Central Office at idineploy sa mga rehiyon at distrito upang magsagawa ng inspection at assessment.
Ang masterlist na isinumite sa pangulo aniya, ay karaniwang basic information ukol sa flood control project lamang ang nilalaman tulad ng lokasyon, time frame para makumpleto ang proyekto, implementing contractor, at ang halaga ng kontrata.
Pangunahing gagawin ng mga inspecting team ay ang field verification.
Giit ni Bonoan, kailangang ma-verify ang lahat ng nilalaman o sinasaklaw ng mga naturang proyekto upang matukoy kung akma o katanggap-tanggap ang natapos na proyekto, batay sa itinatakda sa kontrata.
Ang mga napiling proyekto na sasailalim muli sa assessment ay partikular na tinukoy dahil sa umano’y mistulang pattern sa presyo at scope ng mga ito, salig sa kontrata ng mga contractor.
Hindi rin isinasantabi ng kalihim ang pag-iimbestiga sa iba pang contractors sa iba’t-ibang distrito sa bansa.
Maging ang papel ng mga DPWH officer sa iba’t-ibang rehiyon at distrito ay bubusisiin din ng panel.