Isinasapinal na ng pamahalaan ang ilang mga mosyon para tuluyang maisailalim sa freeze order ang iba pang ari-arian ni Zaldy Co, ang dating House Appropriations Committee chairman na dawit sa umano’y korapsyong nangyayari sa mga public infrastructure project.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla, ito ay habang patuloy na hinahanap ang dating mambabatas upang tuluyang maaresto at maibalik sa bansa.
Kabilang sa mga target na maisyuhan ng freeze order ay ang dalawang bahay ni Co sa Forbes Park sa Makati City.
Kasama rin dito ang Misibis Bay Resort, Midas Hotel, at Casino na pawang konektado sa kanyang kumpanyang Eco Leisure.
Nananatiling kampante ang DILG chief na tuluyan ding maaaresto ang dating mambabatas, lalo na at malaking tulong aniya ang pag-freeze sa kaniyang mga asset sa ilalim ng Civil Asset Forfeiture.
Una nang naghain ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng freeze order laban sa iba pang malalaking ari-arian ni Co.
Kabilang dito ang maraming air assets, mahigit 3,500 bank accounts, daan-daang sasakyan, insurance policies, atbpang mga ari-arian na may kabuuang halaga na P12 billion.
















