-- Advertisements --

Naka-standby na umano ang arrest team, sakaling tuluyang ipa-aresto ang ilang senador na idinadawit sa isyu ng flood control scandal, ayonkay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla.

Ginawa ni Remulla ang pahayag, kasunod ng lumutang na umano’y pagpapalit ng liderato sa Senado.

Ayon kay Remulla, hindi dapat mabahala si Senate President Vicente Sotto III mula sa grupo ng mga senador na umano’y may kinalaman sa panibagong coup attempt dahil malapit na aniyang arestuhin ang ilan sa mga ito na dati nang isinasangkot sa nabunyag na iskandalo.

Bagaman hindi na pinangalanan ni Remulla ang mga tinutukoy niyang senador, maalalang ilan sa mga miyembro ng minority ang napabilang sa lumabas na inisyal na draft report ng Senate Blue Ribbon Committee, tulad nina Senator Joel Villanueva, Sen. Jinggoy Estrada at Sen.Francis Escudero.

Ang tatlo ay iniimbestigahan din ng Department of Justice dahil sa kaparehong isyu.

Una nang inaresto si dating Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. dahil sa umano’y pagtanggap niya ng kickback sa ilang public infrastructure project noong siya pa ay senador.