CEBU CITY – Binunot ng mga miyembro ng Cebu City Police Office-City Mobile Force Company ang 15,000 tangkay ng marijuana sa Manggabon, Brgy. Tagba-o, lungsod ng Toledo, Cebu.
Kinilala ang cultivator nito na si Roberto Alcantara kung saan tinatayang aabot sa P6-milyon ang halaga ng mga nabunot na marijuana plants.
Inihayag ni PLt. Col. Randy Korret na agad nilang isinagawa ang operasyon matapos silang nakatanggap ng report galing sa isang residente sa lugar na umano’y nakakita sa plantasyon.
Wala naman sa area ang nabanggit na cultivator nang isinagawa ng mga otoridad ang operasyon.
Agad naman nila itong sinunog matapos makakuha ng pahintulot galing sa Philippine Drug Enforcement Unit-7.
Samantala, tatlong durugista naman ang nahuli sa hiwalay na anti-illegal drug operation sa lungsod ng Lapu-Lapu.
Arestado ng mga miyembro ng Drug Enforcement Unit ng Lapu-Lapu City Police Office sina Romulo Deo Soreño, 49, isang high-value individual; Jovy Dalocanog, 30, isang habal-habal driver, at Fritz Gerald Doblados, 19.
Nasabat ng mga operatiba ang tig-P1-milyong halaga ng iligal na droga mula sa mga suspek.
Nakabilanggo ngayon sa Lapu-Lapu City Police Office lock-up cell ang mga nahuli habang inihanda na ang kasong ihahain laban sa kanila.