-- Advertisements --

Bukas ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) sa panukalang higpitan pa ang mga regulasyon laban sa illegal online gambling.

Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na prerogatibo ng mga mambabatas na magpanukala ng mga batas na sa palagay nila ay magbebenepisyo sa publiko.

Ginawa ng ahensiya ang pahayag kasunod ng inihaing panukalang batas sa Senado na naglalayong higpitan pa ang mga panuntunan laban sa online gambling.

Inihain ni Senator Sherwin Gatchalian ang panukalang batas na nagsusulong sa pagbabawal ng paggamit ng e-wallets para sa online gambling.

Siniguro naman ng Pagcor sa publiko na kaagapay ang mga ahensiya at organisasyon, mananatili silang fully committed sa pagpapaigting pa ng kanilang mga ginagawang hakbang para malabanan ang paglaganap ng illegal online gaming activities.

Base sa Malacañang, nasa 7,000 na hindi awtorisadong online gaming sites na natukoy ng Pagcor ang napatanggal na ng Department of Information and Communications Technology (DICT).