-- Advertisements --

Inihayag ni Mayor Vico Sotto nitong Lunes na ipinagbawal na sa Pasig City ang promosyon at advertising ng anumang uri ng sugal. Sa kanyang Facebook post, sinabi niya na layunin ng ordinansa na labanan ang gambling addiction at protektahan ang mga mamamayan mula sa patuloy na paghikayat sa pagsusugal.

Ayon kay Sotto, bahagi na ng hakbang ang Pasig sa pagpigil sa epekto ng sugal, matapos nitong maging kauna-unahang lokal na pamahalaan noong 2022 na nagbawal sa POGOs at e-games sa lungsod. Binanggit niya na may mga nagmungkahi noon na “reconsider” ang ordinansa at may mga councilors na inalok ng pera, ngunit nanindigan sila.

Ang bagong patakaran ay nagbabawal sa lahat ng gambling ads sa billboards, PUVs, terminals, posters, leaflets, LED screens, at iba pang public o street-level media. Ipinagbabawal din ang sponsorship ng sugal sa anumang educational, sports, cultural, concert, o religious events na inorganisa ng Pasig City.

Pinapayagan lamang ang mga gambling operators na mag-sponsor ng community activities bilang bahagi ng corporate social responsibility, basta’t walang pangalan o indikasyon ng sugal ang ipinamimigay na merchandise o donasyon.

Ang hakbang ni Sotto ay bahagi ng mas malawak na crackdown laban sa ilegal na online gambling at patuloy na proteksyon sa mga pamilyang Pilipino laban sa negatibong epekto ng pagsusugal.(report by Bombo Jai)