May pangamba si Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian na mauwi sa reenacted budget ang 2026 National Budget kung patuloy na maaantala ang pagtalakay sa panukalang pondo.
Nabago ang budget schedule dahil sa sunog na tumama sa gusali ng Senado kahapon.
Nakatakda sanang isagawa ngayon ang period of amendments, ngunit mauurong ito bukas.
Target namang maaprubahan sa ikalawang pagbasa ang panukalang budget sa Disyembre 3, at ang ikatlong pagbasa sa Disyembre 9.
Nakatakda namang gawin ang bicameral meetings sa Disyembre 11, 12, at 13, na ila-livestream upang matiyak ang transparency sa pagbusisi ng pondo.
Aminado si Gatchalian na masikip na ang kanilang timeline para sa pagpasa ng pambansang budget — lalo’t target nilang mapapirmahan sa Pangulo ang 2026 National Budget sa Disyembre 29.
Gayunpaman, tiniyak ng senador na nasa tamang takbo pa rin sila ng kanilang inaasahang iskedyul.
Samantala, maglalatag daw ng mga panuntunan sina Gatchalian at House Appropriations Chairperson Mikaela Suansing upang matiyak na ang tanging tatalakayin sa bicameral conference ay ang mga probisyong hindi napagkasunduan, at walang idadagdag na bagong item o amyenda na hindi naman natalakay sa plenaryo.
Layunin nito na maiwasan ang anumang pagpapahaba ng talakayan.
Ibinunyag din ni Gatchalian na nagmungkahi ang House panel na magkaroon ng set of rules na aprubado ng dalawang kapulungan upang tukuyin ang “do’s and don’ts” ng mga miyembro sa mismong pulong ng bicameral conference committee.
Samantala, pinaplantsa pa ng Senado ang ilang kumplikasyon sa panukalang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa pagbawas ng malaking budget sa kanilang mga proyekto.
Gayunman, nilinaw ng senador na tinanggal na ng Senado ang lahat ng “red flag” items na nakita sa DPWH budget.
















