Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na muling paglagyan ng P60-bilyong pondo ang bagong programang Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) sa 2025.
Ang pondo para sa AKAP ay bahagi ng halos P500 bilyon na nakalaan sa social amelioration program o ayuda program ng gobyerno na nakapaloob sa P5.768-trilyong pambansang pondo para sa susunod na taon.
Sa ilalim ng AKAP ay tutulungan ng gobyerno ang nasa 12 milyong mahihirap na pamilya o may maliit na kita o katumbas ng 48 milyong Pilipino.
Ayon kay Romualdez, wala itong nakikitang balakid sa pagpapatupad ng AKAP.
Kumpiyansa ang House Speaker na magtatagumpay ang AKAP sa 2024 na siyang pagbabatayan kung muli itong popondohan ng Kongreso sa 2025 at sa mga susunod pang taon.
Sa unang pagkakataon, sa ilalim ng Marcos administration, isinama ng Kongreso ang AKAP sa mga popondohang programa sa ilalim ng 2024 budget.
Layon ng programa na magpaabot ng tulong pinansyal sa mga mahihirap at low-income families.
Sa nasabing programa, ang mga pamilya na hindi lumalagpas ng P23,000 ang kinikita kada buwan ay bibigyan ng P5,000 one-time cash assistance.
Mayroong P60 bilyong pondo na nakalaan sa programa na sapat para matulungan ang 12 milyong pamilya.
Sa kabilang dako, muling inihayag ng Kamara ang hangarin nito na palakasin ang depensa sa West Philippine Sea, mula sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc sa bandang Zambales at Pangasinan hanggang sa hilaga na Ayungin Shoal sa Palawan at katimugang bahagi at paglaanan ng sapat na pondo.
Kasama sa 2024 budget ang P1.5 bilyon para sa pagpapalawak at pagsasa-ayos ng airport sa Pag-asa Island at konstruksyon ng shelter para sa mga mangingisda sa Lawak, Palawan na siyang pinakamalapit na isla sa Ayungin Shoal.
Kasabay nito ay inalerto din niya ang mga ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan na maghanda para sa implementasyon ng mga programa sa susunod na taon.
Kailangan aniya na agad gamitin at gastusin ng mga ahensya ang kanilang pondo sa pagsisimula ng bagong taon para mapakinabangan ito kaagad ng publiko.