CEBU CITY – Pinaghahanap na ngayon ng PNP ang mga nag-aalaga umano sa isang malawak na marijuana plantation sa Brgy. Gaas, sa bayan ng Balamban, Cebu.

Ito ay matapos na binunot at sinunog ng PNP sa Cebu at 47th Infantry Division ng AFP ang 80,000 stalks ng fully-grown marijuana plants na nagkakahalaga ng P32-million.

Ayon kay Chief Master Sergeant Philip Acaso ng Balamban Police Station na tumakas sa naturang operasyon ang diumanoy mga cultivators na sina Tisi Palando, Rodrigo Cabalis, at Lordi Pragosa, na pawang mga residente ng nasabing lugar.

Dagdag pa nito na isinagawa ang naturang operasyon matapos na magsumbong ang isang concerned citizen tungkol sa naturang marijuana plantation.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Section 16 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga nasabing cultivators.