-- Advertisements --

Pinangalanan na ng Department of Education (DepEd) ang 14 na eskwelahang napili para sa pilot run ng Senior High School (SHS) work immersion program.

Layunin ng pinahusay na programang ito na mapagbuti pa na kakayahang magtrabaho ng mga magsisipagtapos sa K-12.

Sa inilabas na DepEd Memorandum 052, apat ang eskwelahan sa Metro Manila ang kasama sa pilot implementation, tatlo sa Region 4-A at tig-isa sa Region 1, 3, 4-B, 5, 7, Cordillera Administrative Region at Region 11.

Sa Metro Manila, isasagawa ang pilot run ng SHS immersion program sa Rajah Soliman High School and Science and Technology High School sa Manila, Rizal High School sa Pasig, Malanday National High School sa Marikina at Tunasan National High School sa Muntinlupa.

Gayundin, napiling isagawa ang pilot run ng programa sa ilang eskwelahan sa Luzon gaya ng San Nicolas National High School sa Ilocos Norte, Angeles City National Trade School sa Pampanga, Tanza National Trade School sa Cavite, Mamatid Senior High School sa Cabuyao City at Santo Tomas National High School sa Batangas.

Ang San Jose National High School sa Occidental Mindoro at Ligao National High School sa Albay para sa Bicol region, Mandaue City Comprehensive National High School sa Cebu, Baguio City National High School sa Cordillera region at Davao City National High School sa Davao City.

Nilinaw naman ni DepEd Sec. Sonny Angara na base sa inisyung guidelines hindi saklaw sa ilalim ng pilot program ang ibang hindi nabanggit na SHS institutions.

Sisimulan naman ang implementasyon ng enhanced immersion guidelines ngayong school year 2025-2026 at magpapatuloy sa SY 2026-2027.

Ang pinahusay na programa naman para sa SHS ay kasunod ng lumabas na pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies noong 2021 at 2024 na maraming employers ang hindi ikinokonsidera ang mga nagtapos ng SHS bilang “work-ready”.

Kayat bilang tugon sa findings, puspusan pa ang pagpapahusay na ginagawa ng DepEd sa employability ng mga SHS graduate sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga competency-based training na akma sa standards ng mga industriya at pagbibigay ng certifications gaya ng inirekomenda ng labor market studies.