-- Advertisements --

Tatanggap ang Department of Education (DepEd) ng mahigit P1.04 billion na pondo para magamit sa Special Needs Education (SNED) program sa susunod na taon.

Ang malaking pondo ay bahagi ng pagpapalakas ng ahensiya sa naturang programa upang matutukan ang mga mag-aaral na may special needs, may disabilities, miyembro ng indigenous communities, out-of-school youth at iba pa.

Nais ng DepEd na magkaroon ng mas inklusibo at patas na oportunidad para sa mga mag-aaral na may special needs, sa pamamagitan ng sapat na pondo, akmang mga programa, at sapat na bilang ng mga guro na gagabay sa kanila.

Para sa mga miyembro ng Indigenous Peoples Education (IPEd) program, mayroon ding P154 milyon na suporta para sa susunod na taon. Mayroong mahigit 482,000 IPEd learners na inaasahang makikinabang dito.

Aabot din sa P897 million ang pondong inilaan ng ahensiya para sa Alternative Learning System (ALS) sa 2026.

Ang mas malaking pondo ay bahagi rin ng pagpokus ng ahensiya sa halos 640,000 ALS learners, at matulungan ang mga ito na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.

Mahalaga ang suporta sa learners with special needs, batay sa panukalang budget na inaprubahan ng Senado.