Iginiit ng kampo ng negosyante at gaming industry tycoon na si Charlie ‘Atong’ Ang na wala umanong kredibilidad ang mga rebelasyon ng testigong kinilala bilang si alyas ‘Totoy’.
Ito mismo ang pinanindigan at binigyang diin ng kanyang kampo partikular ng abogado niya na si Atty. Lorna Capunan hinggil sa pagkakadawit ng kanyang kliyente sa kaso.
Kung saan, mariin nitong kinuwestyon ang kredibilidad ni alyas ‘Totoy’ na lumantad at may pangalang si Julie ‘Dondon’ Patidongan.
Giit kasi ng kampo ni Ang na walang katotohanan, at wala ring basehan ang mga isinawalat ng naturang testigo na makapagpapatunay sa pagiging sangkot nito sa kaso ng pagkawala ng mga sabungero.
Si alyas ‘Totoy’ lumantad na testigo ay maalalang ibinunyag ang alegasyong nagtuturo kay Charlie ‘Atong’ Ang bilang ‘mastermind’ sa likod ng pagkawala ng mga biktimang sabungero.
Pinangalanan din niya ang ilang personalidad gaya ni Gretchen Barretto na sinasabing mayroong alam o kabahagi sa kaso ng mga ‘missing sabungeros’.
Kaya’t bunsod nito’y pinabulaanan ni Ang ang mga alegasyong ito pati na rin ng kay Gretchen Barretto at itinangging may kinalaman sa kaso.
Dagdag pa rito’y itinuring ng kanilang kampo na ang nakukuhang ‘lead’ ng Department of Justice at mga otoridad o kapulisan na si alyas ‘Totoy’ ay hindi mapagkakatiwalaang nagsasabi ng katotohanan.