-- Advertisements --

Aprubado na ng Department of Education (DepEd) ang P24,000 na taunang subsidiya para sa mga guro sa mga pribadong paaralan.

Ito ay P6,000 na pagtaas mula sa kasalukuyang P18,000 na salary subsidy ng mga guro sa private schools.

Simula ngayong school year 2025-2026, matatanggap na ng mga kwalipikadong guro ang P24,000 na subsidiya sa ilalim ng Teachers’ Salary Subsidy component ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) program.

Para makwalipika na makatanggap ng subsidiya, dapat na lisensiyado ang mga guro, full-time ang estado ng employment sa pribadong eskwelahan at dapat na humahawak ng Educational Service Contracting (ESC) classes sa loob ng tatlong oras kada linggo.

Ang naturang umento sa subsidiya ay nakahanay sa ilang mga prayoridad na reporma sa edukasyong binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikaapat na ulat sa bayan.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang naturang hakbang ay bilang pagkilala sa ambag ng mga guro sa pribadong eskwelahan bilang mahalagang katuwang sa sektor ng edukasyon.

Nakasama naman ang umento sa subsidiya sa panukalang pondo ng ahensiya para sa susunod na taon.