Sisimulan na ang pagbebenta ng P20 kada kilo ng bigas sa kadiwa stores sa Metro Manila at mga karatig na probinsiya sa Mayo 13, isang araw pagkatapos ng midterm elections.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., gaya ng kanilang ipinangako, ipagpapatuloy ang pagbebenta ng murang bigas pagkatapos ng halalan.
Paliwanag ng kalihim na pansamantalang pinagpaliban ang pagbebenta ng murang bigas bilang tugon sa 10 araw na spending ban simula noong Mayo 2.
Unang inilunsad ang naturang programa sa Cebu City sa unang bahagi ng Mayo at inisyal na itinakda ang anim na buwang pilot implementation sa Visayas.
Bagamat inisyal na nakatuon ang programa sa Visayas, sinabi ng DA chief na maaari itong palawigin pa sa ibang mga rehiyon kabilang ang Metro Manila at karatig na probinsiya sa pamamagitan ng KADIWA centers at mga lokal na pamahalaan na kasama sa national food crisis emergency initiative.
Kabilang sa mga maaaring makabili ng murang bigas ay ang vulnerable groups gaya ng solo parents, persons with disabilities, senior citizens at mga miyembro ng 4Ps.
Inaasahang magbebenipisyo sa naturang programa ang nasa 2 million households o 10 milyong Pilipino na tatakbo hanggang sa Disyembre na layuning makapagbigay ng abot-kaya at magandang klase ng bigas sa mga higit na nangangailangan.