Naniniwala si dating senator at ngayo’y Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima na posibleng nainis o frustrated si dating Public Works Secretary Rogelio Singson kaya tuluyang umalis sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ibinunyag ni De Lima na may palitan sila ng mensahe ng dating kalihim bago ang kaniyang resignation at nababanggit umano niyang kailangan ng ICI ang mas malawak na kapangyarihan.
Tinutukoy umano ni Singson ang lumalawak na natutuklasang korapsyon sa gobiyerno at ang dumaraming nasasangkot, habang batid nito na naiinip na rin ang publiko sa kakahintay sa resulta ng mga serye ng imbestigasyon.
Maaari rin aniyang na-overwhelm din ang dating kalihim sa napakaraming trabaho at nagsanga-sangang korapsyon na nakakalkal ng komisyon.
Nagpahayag naman ang mambabatas ng kaniyang kalungkutan sa pag-alis ni Singson na isa sa mga kinikilalang haliging ng ICI.
Aniya, tiyak na marami pang ebidensiya ang mailalantad at marami pang personalidad ang irerekomendang makasuhan habang lumalalim ang imbestigasyong ginagawa ng komisyon, kayat nakakapanghinayang na umalis ang dating kalihim, lalo na at limitado rin ang human resource ng komisyon.
Kahapon (Dec. 3) ay opisyal na inanunsyo ng ICI ang pag-alis ni Singson sa kalagitnaan ng Disyembre ngunit maaaring ma-extend hanggang bago matapos ang kasalukuyang buwan.















