Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang malalaking kakulangan sa dokumentasyon ng Office of the Vice President (OVP) sa pamamahagi ng P110.1 milyon na welfare goods noong 2024.
Ayon sa COA, walang naibigay na verified Master List of Beneficiaries, Situation Report, at Mission Order para sa tulong na nagkakahalaga ng P61.8 million, na mga dokumentong dapat ihanda bago ang distribusyon.
Nadiskubre rin na may P641,890 na in-kind donations na naipamigay nang walang kumpletong papeles, at may P26.1 milyon na welfare goods na scanned copies lamang ng mga ulat ang isinumite, taliwas sa requirement na original documents.
Bukod dito, sinabi ng COA na naantala nang isa hanggang anim na buwan ang pagsumite ng Request and Issue Slips (RIS), at may P38.3 milyon na distribusyon na walang slip number sa tamang oras kaya’t hindi matiyak ng audit team ang dami ng goods at batayan ng pagpili ng benepisyaryo.
Pinayuhan ng COA ang OVP na ayusin ang pagproseso alinsunod sa Disaster Operations Manual at tiyaking kumpleto ang dokumento bago at pagkatapos ng distribusyon.
Tiniyak naman ng OVP na sila’y susunod sa mga rekomendasyon at magpapatupad ng corrective measures.
















