Planong ipadeport ng Bureau of Immigration ang isang ‘Chinese national’ na sinasabing ‘importer’ ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa kanilang pagmamay-aring ‘luxury cars’.
Ayon mismo kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, ibinahagi sa kanya ni Land Transportation Office Assistant Sec. Markus Lacanilao ang pagkakaaresto kay Cao Cheng na umano’y car importer ng mga Discaya.
Batay sa impormasyon, arestado ang naturang Chinese national dahil sa ilan nitong paglabag sa batas tulad ng obstruction of apprehension and prosecution of criminal offender, illegal use of alias, false representation, at willful misrepresentation of material information.
Naaresto si Cao sa lungsod ng Makati at nakadetene naman sa Special Operation Division ng Highway Patrol Group sa Camp Crame, Quezon City.
Bukod pa rito’y ayon kay Immigration Comm. Viado, ibinahagi rin ng Land Transportation Office na ang naaresto ay gumagamit ng ibang pangalan bilang Martin Zhao base sa rekords.
Kung kaya’y ayon sa kawanihan, ang paggamit nito ng maling identidad ay nagpapakita na ang dayuhan ay maituturing ‘undesirable’ at hindi nararapat pang manatili sa bansa.
Dahil rito’y inaasahang mailipat si Cao sa Immigration Facility sa Taguig City matapos ang inquest proceeding at medical examination.
At kung mahatulang guilty sa mga kaso, haharap ang naarestong Chinese national sa ‘deportation’ at ‘blacklisting’ sa Immigration.















