Ipinahayag ng activist group na Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) nitong Lunes na pinag-aaralan nila ang muling pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa sandaling matapos ang one-year ban sa Pebrero 5, 2026.
Ayon kay BAYAN chairperson Teddy Casiño, ang plano ay nakadepende sa magiging desisyon ng Supreme Court sa kanilang apela matapos ideklara ng korte bilang unconstitutional ang mga naunang articles of impeachment laban kay VP Duterte noong unang bahagi ng taong ito.
Sinabi ni Casiño na maraming dinagdag na conditions ang Supreme Court, kaya mas mahirap na mag-file ng impeachment, ngunit tiniyak niya na may intensyon ang grupo na ipagpatuloy ito.
Maalalang noong Disyembre 2024, nagsampa ang BAYAN at Makabayan bloc ng impeachment complaint na nag-akusang nilabag ni Duterte ang public trust sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, pati na rin ang pagbabanta sa ilang opisyal ng gobyerno.
Ngunit ipinasya ng Korte Suprema noong Hulyo na lumabag ang mga mambabatas sa one-year ban rule, kaya’t maaari lamang muling magsampa ng bagong complaint pagkatapos ng buwan ng Pebrero 2026.
Ani pa Casiño na kung maaprubahan ang kanilang apela, ipagpapatuloy nila ang impeachment trial sa Senado. Kung hindi, maghahain sila ng bagong complaint. Wala pa ring desisyon ang grupo kung magsasampa rin ng hiwalay na impeachment laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
















