-- Advertisements --

Pinabubusisi na rin ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang lahat ng farm-to-market road projects mula 2021.

Sa isang statement, ipinaliwanag ng kalihim na ipinag-utos niya ito sa gitna ng imbestigasyon ng gobyerno sa umano’y maanomaliyang ghost at substandard flood control projects.

Gayundin, kasunod ito ng claim ni House Deputy Minority Leader Rep. Sergio Dagooc sa congressional hearing noong Setyembre 15 na marami umanong farm-to-market road projects ang nagiging “farm-to-cockpit roads”.

Ayon kay Sec. Laurel, inaasahang makukumpleto ang audit sa naturang mga proyekto bago matapos ang 2025.

Aniya, dapat na tiyaking nagawa nang maayos ang naturang mga proyekto upang sa gayon ay masigurong napupunta sa tama ang pera ng mga nagbabayad sa buwis gaya ng pagbibigay ng access sa mga magsasaka sa merkado at hindi sa farm-to-pocket projects.

Ayon sa pamahalaan, plano nitong magtayo ng 131,000 kilometro ng farm-tomarket roads. Base sa datos noong Hulyo, nasa 70,000 kilometers ang nagawa na habang may natitira pang 61,000 na backlog o nakabinbin para sa validation.