Balak ngayon ng Senado na tapyasan ng 15% hanggang 20% ang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na siyang nakalaan sana para sa mga infrastructure funds ng ahensya para sa taong 2026.
Ayon kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, ang planong pagtatapyas ay kanila aniyang napagusapan ni Committee on Finance Chairperson Sen. Sherwin Gatchalian.
Ani Sotto, nakatakda nilang tapyasan ang pondo ng bawat proyekto ng DPWH sa pagitan ng mga naturang porsyento dahil umano sa overpricing na namataan sa mga nakaraang proyekto ng ahensya.
Ito ay matapos na maisiwalat ang mga overpricing ng mga district engineers at ilang opisyal na siyang nagbabayad pa umano ng ma aniya’y ‘proponents’.
Isa na sa halimbawa nito ang napansin ni Gatchalian na P10.3 bilyong halaga ng mga farm-to-market road projects na nagsimula nitong mga nakaraang taon ng 2023 hanggang 2024.
Kasunod nito ay nanawagan din ang Senado na magkasa ng imbestigasyon hinggil sa mga super health centers kung saan 300 dito ang napagalamang non-operational.
Samantala, nakatakda namang isumite ng Senado ang committee reports mula sa naging Senate Blue Ribbon Committee sa Department of Justice (DOJ), Independent Commission for Infrastructure (ICI) at maging sa Office of the Ombudsman.