Pormal nang sinampahan ng mga kaso ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways sa Davao Occidental at ilang kontratista kabilang na si Sarah Discaya.
Ito na ang ikalawang ‘major case’ na isinampa ng Office of the Ombudsman sa korte alinsunod sa layon mapanagot ang mga sangkot sa flood control scandal.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, ang kanilang paghahain ng panibagong kaso ay matapos makakalap ng sapat na basehan para makasuhan ang mga sangkot.
Kaugnay aniya ito sa natuklasang ‘ghost flood control project’ sa Davao Occidental na iginawad pa noong taong 2022 na may halagang 96.5 milyon piso.
Kinasuhan ngayong araw ang walong opisyal ng Department of Public Works and Highways ng Davao Occidental kinabibilangan ng mga district engineer, assistant ditrict engineer, projects engineers at iba pa.
Kasama rin sa mga respondente ng kaso ay ang dalawang pribadong indibidwal na sina Roma Angeline Rimando at Sarah Discaya, may-ari ng St. Timothy Construction Corporation.
Partikular na mga kasong isinampa ng Ombudsman laban sa kanila ay ang ‘Malversation of Public Funds through Falsification of Public Documents’ at paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Inihain ito ng tanod-bayan sa Regional Trial Court ng Digos City ngayong araw.
Buhat nito’y ipinaliwanag pa ni Assistant Ombudsman Mico Clavano ang naging basehan sa pagsasampa ng kaso laban sa mga ‘respondents’.
Giit niya’y sinertipikahang ‘project completed’ ang proyekto kahit pa wala namang makikitang natapos o ginawa sa naturang lugar.
















