Papalawigin pa ang import ban ng bigas hanggang sa katapusan ng 2025.
Ginawa ni Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr. ang naturang anunsiyo sa pagdinig ng House Committee on Agriculture sa estado ng pagpapatupad ng Executive Order 93, na nagsususpinde ng importasyon ng regular milled at well-milled rice na inisyal na itinakda sa loob ng 60 araw.
Inilatag naman ng kalihim ang dalawang plano hinggil sa pag-aangkat ng bigas, kung saan isa sa tinitimbang ngayon ng economic managers ang posibleng pagtaas muli ng ipinapataw na taripa sa rice import sa 35%.
Subalit kung hindi man aniya ito maibalik, ikinokonsidera ng ahensiyang payagan muli ang importasyon ng bigas sa Enero sa susunod na taon sa loob ng isang buwan lamang.
Ayon pa sa kalihim, ang stocks na imported rice ng bansa ay tinatayang maubos sa katapusan ng Nobiyembre ng kasalukuyang taon kayat magdedepende aniya sa mga lokal na produksiyong bigas sa Disyembre kayat kailangan pa rin aniya na mag-angkat na kahit na nasa 300,000 metrikong tonelada ng imported rice.
Samantala, sa kaniyang opening speech, inanunsiyo ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy IIII, na sa ilalim ng 2026 budget, bibigyan ng direktang cash aid na tig-P7,000 ang nasa 1 million farmers sa buong Pilipinas para maibsan ang kanilang pagkalugi sa mababang presyo ng palay.
Ipinakiusap din ng House Speaker kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipamahagi ng cash ang seed subsidy para direktang mapakinabangan ng mga magsasaka.
Samantala, tinukoy din ng House Speaker ang mga prayoridad na kanilang isinusulong sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) kabilang ang reporma sa tariff system, ibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na mamili ng palay at palakasin pa ang pondo ng ahensiya, dynamic floor rice para sa palay na hindi bababa sa P25 kada kilo, sapat na buffer stock at gawing obligado ang crop insurance para mapabilis ang claims sa loob ng 10 araw sa pamamagitan ng digital system