Inilahad ni dating House Appropriations chair Zaldy Co kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang umano’y serye ng malaking tapyas sa 2025 national budget na halos ₱110 bilyon na ipinag utos umano ni dating Senate President Francis “Chiz” Escudero sa bicameral conference committee.
Ito ay nakapaloob sa sulat ni Co kay Pangulong Marcos.
Ayon kay Co, iginiit umano ni Escudero ang pag-alis ng ₱74 bilyong subsidy para sa PhilHealth, P10 bilyon mula sa DepEd computerization program, at ₱1.692 bilyon para sa bagong posisyon ng mga guro na maglilimita sa kakayahan ng gobyerno na mag-hire ng 20,000 teachers.
Tinapyas din umano ang ₱10 bilyon para sa fertilizer vouchers ng Department of Agriculture at ₱13.9 bilyon para sa flagship infrastructure projects, kabilang ang pondo para sa pagkukumpuni ng mga kalsadang nagdudugtong sa Batangas at Quezon.
Sinabi ni Co na ang mga bawas ay bunsod umano ng paghahangad ng Senado ng ₱200-bilyong pondo para sa sarili nitong prayoridad.
Binigyang-diin ni Co, hindi ang Mababang Kapulungan ang nagpasimula ng mga kontrobersyal na realignment at dapat malaman ng publiko kung saan nagmula ang mga pagbabawas.
Ayon sa dating chairman ng House Appropriations Committee na ‘deserved’ ng publiko na malaman kung saan nagsimula ang budget cuts at kung anong sektor ang tinapyasan.









