-- Advertisements --

Inatasan na ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang National Food Authority (NFA) na maglabas ng bigas para sa relief operation sa mga lugar na sinalanta ng mga bagyo.

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, mayroong 2.4 milyong sako ng bigas ang nakalaan para sa disaster response o katumbas ng 27 porsiyento ng kabuuang stockpile ng NFA.

Tiniyak ng opisyal na sapat ito para matugunan ang pambansang konsumo sa loob ng siyam na araw.

Sa Bicol Region, iniulat ni Lacson na nag-preposition at naglabas ang NFA ng 2,117 sako ng bigas bilang bahagi ng pre-disaster response para sa mga komunidad na apektado ng Nando at Habagat.

Nakapag-withdraw na rin ang ilang lokal na pamahalaan sa Albay, Ligao, Daraga, Malilipot, Catanduanes, Baras, at Pili ng kanilang alokasyon mula sa mga bodega ng NFA upang masuportahan ang mga apektadong residente. Dagdag pa niya, nakahanda ang regional operations centers ng NFA upang suportahan ang kasalukuyang relief efforts.

Samantala, ayon kay Agriculture Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra, na nangangasiwa sa KADIWA ng Pangulo program, ipagpapatuloy ng DA ang pagbebenta ng P20 kada kilo ng bigas katuwang ang mga lokal na pamahalaan, lalo na sa mga apektadong lugar na hindi pa nakatanggap ng ayuda.