-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Umabot sa P120,000 na halaga ng iligal na droga ang narekober mula sa naarestong high value target sa ikinasang na buy bust operation ng mga otoridad sa Barangay Rawis, Virac, Catanduanes.

Nakilala ang suspek na si Ryan Lozada 35 anyos, isang tricycle driver at residente ng barangay San Vicente sa naturang bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Major Billy Timuat ng Virac MPS, kasama umano ang suspek sa drug watch list sa Catanduanes na matagal na ring binabantayan ang kilos ng PDEA at PNP.

Nang mapapayag ang suspek na makipagkita sa pulis na nagpanggap na buyer, dito na ikinasa ang buy bust operation.

Positibo naman ang naging resulta ng operasyon kung saan nakuhanan ang suspek ng 12 sachet ng shabu na may bigat na 22 gramo at nagkakahalaga ng P120,000.

Sa ngayon nakakulong na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.