Inamin ng Department of Education na kulang na kulang ang bilang ng mga rehistradong guidance counselor sa mga pampublikong paaralan. Ayon kay Assistant Secretary for Operations Joyce Andaya, may 5,000 plantilla items ang nakalaan, ngunit mahigit 1,000 lang ang napupunan para sa higit 40,000 paaralan sa bansa.
Batay sa Guidance and Counseling Act of 2004 (Republic Act 9258), kailangan ng bachelor’s degree at master’s degree sa guidance and counseling o kaugnay na disiplina bago makakuha ng lisensya bilang guidance counselor. Sa kasalukuyan, nasa P40,000–P50,000 ang entry-level salary para sa posisyon.
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA ang pangangailangang dagdagan ang guidance counselors upang makatulong sa mga estudyanteng nakararanas ng depresyon at bullying.
Bukod dito, humingi rin ng tulong ang DepEd-NCR sa kapulisan upang magronda sa labas ng mga paaralan tuwing pasukan at uwian. Nakikipag-ugnayan din ang kagawaran sa mga LGU at barangay para matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral. (report by Bombo Jai)