Nakabalik na sa bansa matapos iligtas mula sa mga scam hubs sa Laos at Myanmar ang 114 na Pilipino, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Karamihan sa kanila ay umalis bilang turista o nagpakilalang OFWs gamit ang kumpletong papeles, habang apat ang dumaan sa backdoor exits, dahilan para mahirapang matukoy ng mga awtoridad ang kanilang pag-alis.
Ang mga nasagip ay tatanggap ng psychosocial at financial assistance mula sa pamahalaan.
Binabala ng United Nations na dumarami ang mga cyberscam hub sa Southeast Asia na gumagamit ng mga biktima ng human trafficking at pinipilit na mag-operate ng online scams sa ilalim ng banta ng pananakit. Ayon sa ulat ng UN Office on Drugs and Crime, kumakalat na rin ang ganitong modus sa South America at Africa.
Paliwanag ng Department of Migrant Workers (DMW), madalas nasa Myanmar, Laos at Cambodia ang operasyon ng mga sindikato dahil sa mahinang pagpapatupad ng batas at problema sa seguridad sa mga bansang ito.
Samantala, sinabi ng BI at Department of Justice na bumuo na ng inter-agency task force para masawata ang backdoor exits, habang patuloy ang koordinasyon ng Inter-Agency Council Against Trafficking sa mga counterpart abroad para tugisin ang mga sindikatong nagpapatakbo ng scam hubs. (report by Bombo Jai)