Hanggang ngayon ay wala pa ring mga regional offices sa Negros Island Region ang nasa tatlong ahensya sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr).
Kinumpirma ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa Bombo Radyo Philippines na hanggang ngayon ay wala pa rin silang tanggapan sa Negros Island Region.
Sa ngayon ay kinukuhanan pa rin ng Bombo Radyo Philippines ang pahayag ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ukol dito.
Matatandaan na may inilabas na circular ng Department of Budget and Management (DBM) na ang lahat ng National Government Agencies (NGAs) na may mandato at serbisyong sakop ng Negros Island Region ay inaatasang magtatag ng kani-kanilang regional offices. Ito ay alinsunod sa Republic Act No. 12000 o Negros Island Region Act, na nagtatag sa NIR bilang ika-17 rehiyon ng bansa.
Ang hakbang na ito ay upang matiyak accessible at available ang serbisyo ng pamahalaan sa loob mismo ng isla.