Binatikos ni Sen. Erwin Tulfo ang paglaan ng pamahalaan ng bilyon-bilyong pondo para sa mga flood control project na itinatayo sa mga probinsyang hindi naman madalas bahain.
Sa pagtatanong ng mambabatas kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan, tinukoy nito ang bilyon-bilyong pondo na inilaan ng DPWH sa mga flood control project sa mga probinsya ng Cebu, Isabela, Albay, Leyte, Camarines Sur, atbpa.
Ang mga naturang probinsya aniya ay pawang wala sa top-10 flood-prone provinces sa buong Pilipinas.
Sa naturang listahan, kasali dito ang probinsya ng Pampanga, Nueva Ecija, Pangasinan, at Tarlac, na pawang may mas mabababang pondo kumpara sa mga naunang nabanggit na probinsya.
Tanong ni Tulfo, hindi ba ito nasilip ng DPWH, bago man lang inirekumenda ang pondo para sa mga itatayong istraktura sa mga naturang probinsya?
Tinanong din ng senador ang Department of Budget and Management (DBM) kung basta na lamang naglalabas ng pondo ang mga ito kung hihilingin ng mga kongresista o ng sinumang elected public officials?
Sagot ni DBM Sec. Pangandaman, hindi sapat ang mga personnel ng ahensiya upang isa-isahing tingnan ang mga panukalang proyekto ng DPWH o ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan, bago tuluyang ipasa ang panukalang pondo sa bawat taon.
Natanong din ang kalihim kung tungkulin ba ng DBM na i-check ang bawat proyekto, ngunit ani Pangandaman, hindi na ito bahagi ng trabaho ng ahensiya.(Report By Bombo Jai )