Nasawi ang 2 driver ng motorsiklo matapos na nagsalpukan sa kalagitnaang kalsada ng Brgy. Mandawa at Brgy. Nueva Estrella, Bayan ng Bien Unido, Bohol.
Nakilala ang mga nasawi na sina Anthony Macachor, 21-anyos, isang helper at residente ng P-3, Liberty, ng nasabing bayan at ang 34-anyos na si Windel Anunciado, farmer habang sugatan naman ang mga angkas na kalive-in partner at anak nito na sina Analy Gudines at Dave Avergonzado na parehong residente ng Brgy. Cabiguhan, Trinidad, Bohol.
Sa ekslusibong panayam ng Star FM Cebu kay PSMS Lloyd Garcia, ang chief investigator ng Bien Unido Municipal Police Station inihayag nito mabilis umano ang takbo ng minamanihong motorsiklo ni Macachor mula sa Brgy. Liberty papunta sana ng bayan.
Sinabi pa ni Garcia na mula sa kabilang kalsada naman ay ang mga biktima na sina Anunciado, Gudines at Avergonzado na mula umano sa isang birthday party sa kalapit na tabing-dagat ng Brgy. Puerto San Pedro at pauwi na sa kanilang tahanan.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng mga otoridad, wala umanong dalang lisensya at walang suot na helmet ang dalawa, gayunpaman, sinubukan pa rin umanong mag-overtake si Anunciado habang sa kabilang linya ng kalsada naman ay siyang pagharurot ni Macachor.
Napag-alaman rin na dahil sa mabilis na patakbo nito ay sinubukang iwasan ng 21-anyos na suspek ang bitak na parte ng kalsada na nagresulta ng banggaan at parehong tumilapon sa magkabilang linya ng kalsada.
Dagdag pa nito na nagtamo umano ng matinding sugat sa ibang parte ng bahagi si Anunciado ngunit dead-on-arrival na ng dalhin sa Garcia Memorial Provincial Hospital habang dinala rin si Macachor sa Don Emelio Del Valle Memorial Hospital ngunit ilang minuto pagkatapos ng aksidente ay binawian din ito ng buhay.
Samantala, pinayuhan naman ni Garcia ang publiko, lalo na sa mga motorista na ugaliing dumaan sa tamang proseso ang motorsiklo gaya na lamang ng pagkakaroon ng lisensya at magsuot ng safety gear upang maiwasan ang ganitong klase ng aksidente
Sa ngayon ay patuloy namang nagpapagaling sina Gudines at Avergonzado sa ospital kung saan dinala si 34-anyos na biktima dahil sa natamong sugat at galos sa ibang parte ng katawan.