Kinumpirma ni Department of Agriculture Sec. Francisco Tiu-Laurel Jr. ang muling pagpapatupad ng maximum suggested retail price o MSRP para sa ilang piling imported agri products.
Kabilang mga produktong papatawan ng maximum suggested retail price ay produktong baboy, sibuyas, at carrots.
Ayon sa kalihim, ang muling pagbabalik ng MSRP ay napapanahon at kinakailangan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga nasabing produkto sa iba’t ibang pamilihan sa bansa.
Partikular na binigyang-diin ang sitwasyon ng sibuyas, na ang presyo ay umaabot na hanggang ₱300 kada kilo sa ilang lugar.
Sa oras na maipatupad, ang itatakdang MSRP ay ₱370 para sa liempo, ₱340 para sa kasim at pigue, at ₱120 kada kilo para sa parehong imported na white at red onions, kasama na rin ang imported carrots.
Target ng Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng pamumuno ni Kalihim Tiu-Laurel na mailabas at maipatupad ang bagong MSRP bago sumapit ang December 1, 2025.
Pangunahing layunin ng hakbang na ito ay upang maiwasan ang biglaan at labis-labis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ngayong nalalapit na holiday season.
















