Pinag-aaralan ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng pagtataas ng tariff sa mga inaangkat na artificial sugar bilang hakbang upang maprotektahan ang local sugar industry ng bansa.
Kinumpirma ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nakipag-ugnayan na siya kay Finance Secretary Frederick Go kaugnay ng nasabing panukala at positibo naman ang naging tugon nito.
Lumabas sa datos ng kagawaran na tumaas ng 200,000 tons ang volume ng pumasok na artificial sugar sa bansa noong 2025, bagay na nakaapekto sa demand para sa lokal na asukal.
Bagama’t kasalukuyang nasa 5 percent ang taripa, nilinaw ng opisyal na hindi naman ito masyadong tataasan kundi sapat lang upang maging kompetitibo ang lokal na produkto.
Tinututukan din ng kagawaran ang regulasyon sa importation ng molasses na isa ring hamon sa industriya.















