Itinanggi ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na may pangamba siya sa pagsasampa ng kaso laban kay dating House Speaker Martin Romualdez — na pinsang buo ni Pangulong Ferdinand Marcos J
Inirekomenda ng DPWH at Independent Commission for Infrastructure (ICI) na kasuhan ng plunder, graft, at direct bribery si Romualdez, kasama si dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co kaugnay ng kanilang pagkakasangkot sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
Sa plenary debates sa panukalang pondo ng DPWH para sa 2026, pansamantalang sinuspinde ang rules at pinayagan si Dizon na direktang sumagot sa tanong ni Senador Chiz Escudero.
Natanong ni Escudero si Dizon kung nagkaroon ba siya ng pagdadalawang-isip o pangamba sa rekomendasyong magsampa ng kaso dahil sa relasyon ng dating Speaker sa Pangulo, giit ni Dizon na malinaw ang direktiba ni Pangulong Marcos na sundan lamang ang ebidensiya.
Tinanong din ng senador ang kalihim kung kailan napagpasyahang irekomenda ang kaso laban kay Romualdez.
Tugon ni Dizon, ilang linggo lamang ang nakalipas nang makumpleto ang karagdagang dokumento mula sa DPWH, pati na ang records ng Sunwest Corporation at Hi-Tone Corporation, mga kumpanyang iniuugnay kay Zaldy Co.
Kasama rin sa isinumiteng ebidensiya ang sinumpaang testimonya ni dating Philippine Marines Technical Sergeant Orly Regala Guteza sa Senate Blue Ribbon Committee, sa kabila ng isyu sa notaryo ng kanyang affidavit.
Samantala, kaugnay ng kasong isinampa kay Co, sinabi ni Dizon na matagal nang inirekomenda ng ICI at DPWH ang pagsasampa ng kaso laban kay Co kaugnay ng umano’y iregularidad sa flood control projects sa Oriental Mindoro.
Ayon sa kanya, ito ang naging basehan ng unang kasong isinampa ng Ombudsman sa Sandiganbayan, na nagresulta sa paglalabas ng warrants of arrest laban kay Co, ilang opisyal ng DPWH, at mga pribadong indibidwal.
















