Nabiktima ng kawatan si Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia habang ito ay nasa isang kainan sa kahabaan ng Pasay City.
Sinabi nito, nangyari ang insidente pagkatapos niyang dumalo sa isang pagdinig sa Senado nitong tanghali ng Martes, Agosto 19.
Nagtungo sila ng kaniyang staff sa isang kainan sa kanto ng Buendia at Roxas Boulevard kung saan hindi nito napansin na nawala na ang bag niya na naipatong sa isang upuan.
Marahil sa labis na kagutuman ay hindi na niya napansin na nawala ang bag na naglalaman ng kaunting pera, national ID, COMELEC ID, prepaid phone at ibang mga dokumento.
Base sa nakita nila sa CCTV ay mayroong hanggang anim na indibidwal ang sumabay sa kanila na nagtungo sa taas na kainan at doon isinagawa ang pagsasalisi.
Idinulog na nito ang pangyayari sa kapulisan kung saan umaasa na maibalik ang nasabing mga nawalang kagamitan.