Pinalawak pa ngayong araw sa apat na lokasyon sa bansa ang “Benteng Bigas, Meron Na! Para sa Magsasaka” program ng kasalukuyang administrasyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.,na mabibili na simula ngayong araw ang benteng bigas sa warehouse ng NFA sa Laoag City, Ilocos Norte; San Jose, Occidental Mindoro; Roxas City, Capiz; at maging sa Baloy, Cagayan De Oro.
Ayon naman sa kalihim, ilulunsad din sa susunod na linggo ang P20 rice program para sa mga rehistradong mangingisda at manggagawa sa fish port na kabilang sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture.
Kabilang sa mga unang makikinabang ang mga komunidad sa Lucena City (Quezon), Sual (Pangasinan) at Navotas.
Tinitiyak na patuloy ang pagpapalawak ng programa upang maabot ang 15 milyong pamilya sa susunod na taon, ayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.