Nanawagan si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro na magsalita nang “iisa ang tinig” ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang matugunan ang mga hamon sa rehiyon at makamit ang kapayapaan at kaunlaran.
Sa kaniyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-58 anibersaryo ng ASEAN sa Bonifacio Global City nitong Agosto 19, binigyang-diin ni Lazaro ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng sampung miyembro ng ASEAN.
Para manatiling sentro ng kapayapaan, seguridad at kaunlaran, kailangan aniya magsalita ang ASEAN nang iisang tinig. Dagdag pa ni Lazaro, pantay na tinig ang ibinibigay sa bawat miyembro upang maisulong ang kapakanan ng halos 700 milyong mamamayan.
Muling pinagtibay ng kalihim ang temang “Strengthening Unity, Driving Prosperity” kasabay ng paghahanda ng Pilipinas para sa chairmanship ng ASEAN sa susunod na taon.
Dumalo rin sa pagtitipon ang ilang ambassador mula Cambodia, Indonesia, Malaysia, Thailand, at Vietnam. (report by Bombo Jai )