Tiwala ngayon ang grupo ng mga magsasaka na mapapanagot ng Department of Justice (DoJ) sa lalong madaling panahon ang mga sangkot sa smuggling ng mga agricultural products dito sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Chairman Rosendo So, sinabi nitong nasa P10 billion daw araw-araw ang nawawalang kita ng ating pamahalaan dahil na rin sa smuggling ng mga agricultural products.
Dahil dito, sinabi ni So na dapat at kumilos na rito ang ating pamahalaan at bilisan ang imbestigasyon.
Kung maalala, noong nakaraang linggo nang kumpirmahin ni Department of Justice Usec. Adrian Sugay na ipinag-utos na raw ni Justice Sec. Menardo Guevarra na imbestigahan ang smuggling ng mga produktong pang-agrikultura ng bansa.
Samantala, malaki naman ang paniniwala ni Engineer So na may sabwatan sa pagitan ng Bureau of Customs (BoC) at ng Department of Agriculture (DA) sa pagpapasok ng mga smuggled na agri products.
Dahil dito, sinabi ni So na dapat ay imbestigahan din ang lahat ng mga opisyal ng BoC at DA para matukoy kung mayroon silang mga kasabwat sa loob ng ahensiya.
Una rito, sinabi ni Sugay na umaasa ang DoJ na ngayong buwan ay matatanggap na nila ang resulta ng imbestigasyon na isinasagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng smuggling ng mga agricultural products.
Ayon kay DoJ Usec. Adrian Sugay, sa ngayon daw kasi ay wala pa silang natatanggap na ano mang report mula sa NBI.
Pero siniguro naman nitong patuloy na iniimbestigahan ng NBI ang naturang isyu.
Sinabi ni Sugay na masusi umanong pinag-aaralan ngayon ng DoJ kung pasok ang reklamong economic sabotage na isasampa sa mga suspected large scale agriculture smugglers sa bansa.
Paliwanag ni Sugay, malawak daw kasi ang extent ng smuggling sa bansa na nakakaapekto sa ekonomiya.
Lugi rin ang mga local farmers dahil sa mga smuggled na agricultural products.
Sinisilip na rin umano ng DoJ ang posibilidad na mayroong mga pending cases ng umano’y smugglers ng agricultural products nationwide at pinabibilis na nila ang mga isinasagawang mga proceedings.
Mayroon na rin umanong imbitasyon si Guevarra sa Department of Agriculture (DA) na maghain ng reklamo labab sa mga smugglers.