Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na kasama si former House Speaker Martin Romualdez sa mga papanagutin ukol sa flood control projects anomaly.
Naniniwala kasi ang naturang opisyal na hindi lusot sa pananagutan si Leyte 1st District Rep. Romualdez kaugnay sa isyu ng korapsyon.
Giit ni Ombudsman Remulla na ang pagiging ‘speaker of the house’ ni Romualdez ang siyang nakikitang dahilan para siya’y magkaroon ng pananagutan sa pagkakatalaga ni former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co bilang House Appropriations Committee chair.
Alinsunod ito sa isinasagawang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa naging papel ng dating mambabatas sa kalakaran ng maanomalyang mga proyekto.
“Although he was elected, although Zaldy Co was elected on the floor, everybody knows that it was a speaker’s choice. That’s why we have to hold him accountable for that,” ani Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla.
Dahil rito’y pagtitiyak ni Ombudsman Remulla na gagawa sila ng mga karagdagang hakbang para lamang matukoy ang buong katotohanan sa likod ng flood control scandal.
Kanyang binigyang diin na walang palulusutin rito lalo na mga lider o opisyal ng gobyerno sa naging kalakaran ng katiwalian.
Kung kaya’t posibleng kaharapin ni former House Speaker Martin Romualdez ang kasong ‘gross inexcusable negligence’ sakaling matukoy ng Ombudsman ang pananagutan nito.
Samantala, ibinahagi naman ng kasalukuyang Ombudsman na nagpapatuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon kaugnay sa pagkakasangkot ni Sen. Chiz Escudero sa maanomalyang mga proyekto.
Sinusundan aniya ang nakalap na money trail na posibleng maging daan upang matukoy ang pagkakadawit ng senador.
Pati mga salaysay ukol sa flood control projects scandal ay kanila aniyang gagamitin bilang ebidensya na siyang sinusuri na ngayon ng Ombudsman.














