Patuloy na binabayo ng Typhoon Tino ang hilagang bahagi ng Palawan matapos mag-landfall sa Batas Island, Taytay.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nananatili ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 4 sa hilagang bahagi ng Palawan tulad ng El Nido, Taytay, Araceli, at Calamian Islands.
Ipinagbigay-alam din ng state weather bureau na inaasahang aabot sa higit 118 km/h hanggang 184 km/h ang hanging dala ng bagyo sa susunod na 12 oras.
Signal No. 3 naman ang nakataas sa Dumaran, San Vicente, Roxas, at Cuyo Islands. Samantalang ang Signal No. 2 ay nakataas sa mga bahagi ng Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, at central Palawan, kasama na ang Puerto Princesa City at Cagayancillo Islands.
Signal No. 1, naman ang mga lugar sa Luzon at Visayas tulad ng Aklan, Antique, Capiz, Iloilo, at Guimaras.
Sa kasalukuyan, ang bagyo ay may lakas ng hanginng aabot sa 120 km/h at may pagbugso na umabot ng 150 km/h, at patuloy itong gumagalaw patungong west northwestward sa bilis na 15 km/h.
Ayon pa sa PAGASA, magtatagal pa ang bagyo sa hilagang Palawan hanggang sa araw ng Miyerkules, ng umaga, at inaasahang lalabas sa West Philippine Sea bago maghatingabi o madaling araw ng Huwebes, Nobyembre 6.
Binalaan din ng weather bureau ang mga residente sa mga lugar na apektado ng bagyo na maghanda para sa malalakas na ulan, hangin, at storm surge.















