Nanguna ang Pilipinas sa 2025 World Risk Index bilang pinakalantad na bansa pagdating sa baha mula sa 193 bansa.
Ito ay batay sa ulat ng Forest Foundation Philippines sa pagdinig ng House Committees on Sustainable Development Goals at Climate Change nitong Martes, Nobiyembre 4.
Ayon kay Alaya de Leon ng Forest Foundation Philippines, madalas nasa top 3 ang bansa dahil sa malawak na pagkakahati-hati ng mga isla at matinding exposure sa extreme weather events.
Subalit ngayong taon, pagbaha ang pangunahing tinutukan ng ulat, at lumitaw na malaki ang pagkakaiba ng flood risk kada rehiyon, depende sa geography, imprastraktura, at urban planning ng bawat lugar.
Kaugnay nito, nanawagan si De Leon ng nature-based at sustainable solutions laban sa climate change sa halip na malalaking proyekto gaya ng dam o sea wall.
Ayon naman kay Rep. Jose Manuel Alba, hindi sapat ang mga imprastraktura para solusyunan ang epekto ng climate change at dapat ay mga solusyong makakalikasan ang isulong.
Sinabi naman ni Rep. Aniela Tolentino na ang nature-based solutions ay makatutulong sa kalikasan, magbibigay ng kabuhayan sa mga komunidad, at susuporta sa sustainable development goals.
Saad pa ng mambabatas na prayoridad ng naturang komite ang pagpasa ng low carbon economy bill, habang binabalangkas ng DENR ang executive order para sa mga patakaran sa pagpapatupad ng nature-based solutions.










